Patuloy ang pagsulong ng sustainable environmental protection sa mga bayan at siyudad sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa Alaminos City, nasa dalawandaang puno ng Narra ang naitanim sa bahagi ng tree park sa Alaminos City na pinangunahan ng isang pribadong kompanya.
Taon-taon umano nila ito isinasagawa bilang pagtulong na maibsan ang negatibong epekto ng climate change at kontribusyon sa programang isinusulong ng lokal na pamahalaan.
Sa kabilang banda, nakapagtanim naman ng mahigit dalawandaang seedlings ng fruit-bearing trees tulad ng langka, guyabano, kasoy kalamansi, bugnay, narra at mabolo sa ektaryang lupa malapit sa Material Recovery Facility ng munisipyo ng Asingan.
Ayon kay Municipal Environment and Natural Resources Officer Julian Ilumin, ito ang mga itinanim na seedlings dahil mas mapakikinabangan ito ng mga residente.
Aniya, pinagbabawal rin ng Department of Environment and Natural Resources ang mga melina at mahogany dahil mayroon umano itong characteristic na hindi maganda sa environment.
Bahagi rin ang pagtatanim na ito sa paghahanda sa gagawing Eco Park na siyang dagdag atraksyon sa bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨