Wednesday, February 18, 2026

𝗧𝗔𝗧𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗡𝗚𝗞𝗔𝗬, 𝗡𝗔𝗥𝗘𝗞𝗢𝗕𝗘𝗥 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗟𝗨𝗕𝗢𝗚 𝗡𝗚 𝗠𝗩 𝗧𝗥𝗜𝗦𝗛𝗔 𝗞𝗘𝗥𝗦𝗧𝗜𝗡 𝟯; 𝗕𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗦𝗔𝗪𝗜 𝗨𝗠𝗔𝗕𝗢𝗧 𝗡𝗔 𝗦𝗔 𝟱𝟳



Cauayan City – Narekober ng mga technical divers ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong bangkay sa isinagawang underwater operations nitong Pebrero 15, 2026 kaugnay ng paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island.

Dahil dito, umakyat na sa 57 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa insidente.

Samantala, 293 naman ang naitalang nakaligtas, habang 22 indibidwal ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ayon sa PCG, ang opisyal na datos ay resulta ng pinagsamang beripikasyon ng iba’t ibang ahensya kabilang ang Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM).

Kabilang din sa koordinasyon ang mga apektadong pamilya na araw-araw na nakikipag-ugnayan sa interagency search and rescue authorities.

Patuloy ang isinasagawang search and retrieval operations sa karagatang sakop ng Basilan habang umaasa ang mga pamilya at awtoridad na matagpuan pa ang mga nawawala.

Samantala, tiniyak ng PCG na magpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng trahedya at mapanagot ang sinumang may pananagutan sa insidente.

📸: Philippine Coast Guard/Facebook

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments