Wednesday, February 18, 2026

𝗧𝗔𝗧𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗡𝗚𝗜𝗡𝗚𝗜𝗦𝗗𝗔, 𝗟𝗜𝗚𝗧𝗔𝗦 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗜𝗨𝗪𝗜 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗬𝗡𝗜𝗟𝗔 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗔𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗜𝗡𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗥𝗘𝗦𝗖𝗨𝗘 𝗢𝗣𝗘𝗥𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡

Cauayan City – Ligtas na naihatid ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong mangingisda mula sa Motorbanca MJ 2 sa Cunanan Wharf, Port Area, Maynila nitong Pebrero 15, 2026.
Dumating ang mga survivor sakay ng BRP Cape San Agustin (MRRV 4408) at agad na nabigyan ng kinakailangang tulong bago ligtas na nakabalik sa kani-kanilang pamilya.
Sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Bureau of Quarantine (BOQ), tiniyak din ng PCG ang maayos at marangal na pag-asikaso sa labi ng isang nasawing mangingisda alinsunod sa umiiral na mga protocol.
Ayon sa ulat, umalis ang MBCA MJ 2 sa Brgy. Luyahan, Lian, Batangas noong Pebrero 8, 2026 para sa isang fishing trip ngunit hindi ito nakabalik sa itinakdang oras, dahilan upang mabahala ang kanilang pamilya. Agad namang nagsagawa ng search and rescue operations ang Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL).
Matapos ang ilang araw na aerial at surface search operations, namataan ang MBCA MJ Dos na palutang-lutang 103 nautical miles kanluran ng Cabra Island noong Pebrero 14, 2026.
Sinabi ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil L Gavan, na nananatiling matatag ang PCG sa pagtupad sa mandato nitong pangalagaan ang buhay sa karagatan at paglingkuran ang mga mangingisdang Pilipino at iba pang maritime stakeholders.
Binigyang-diin din niya na patuloy na kikilos ang PCG upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang mga pamilya ng mga nailigtas na mangingisda sa PCG at mga katuwang na ahensya dahil sa maagap at matagumpay na rescue operation.
📸:PCG
————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
Facebook Comments