
Cauayan City – Sa layuning mapalaganap ang kamalayan ukol sa mga sakit sa baga at mapabuti ang kalusugan ng komunidad, matagumpay na isinagawa ang tb caravan sa Barangay Samonte, Quezon, Isabela.
Sa temang “Para sa healthy lungs, Pa-check ka lungs!”, nagsama-sama ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Punong Barangay Antonieta Ramirez, kasama ang mga ahensya ng pambansang kalusugan at ang Quezon Rural Health Unit, upang maghatid ng libreng chest X-ray at HIV screening para sa mga residente.
Nagbigay rin ng mensahe si Atty. Ryan Anthony Diampoc, Municipal Administrator, sa ngalan ni Mayor Daryl Gascon, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagang pagsusuri upang maiwasan ang paglala ng mga sakit.
Inilahad din niya ang patuloy na adhikain ng pamahalaan na tiyaking abot-kamay ang serbisyong medikal para sa lahat.
Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, pinatutunayan ng lokal na pamahalaan ng quezon ang kanilang suporta sa preventive healthcare at ang pagbibigay-halaga sa kalusugan ng bawat mamamayan.










