
Cauayan City – Aktibong nagpapatupad ng towing operations ang Public Order and Safety Division (POSD) ng Lungsod ng Cauayan laban sa mga sasakyang nagdo-double parking, lalo na sa mga masisikip na kalsada, upang maiwasan ang matinding pagsikip ng trapiko.
Sa panayam ng IFM News Team kay POSD Chief Pilarito Mallillin, agad na ipapatow ang mga sasakyang lalabag sa patakaran sa double parking at kukumpiskahin ang lisensya ng mga driver.
Para naman sa mga motoristang panandaliang namimili, pinapayagan lamang ng 5 hanggang 10 minutong parking. Kapag lumagpas sa itinakdang oras, agad na sisitahin ng mga awtoridad ang mga ito.
Sinabi pa ni POSD Chief Pilarito Mallillin na mula noong Kapaskuhan at Bagong Taon ay naging maayos ang pamamahala nila sa daloy ng trapiko kahit pa umabot sa ilang libong sasakyan ang kanilang namonitor.
Bagama’t may mga naitalang congestion, aniya, mabilis naman itong naagapan ng kanilang mga tauhan.
Dagdag pa ni Mallillin, karaniwang nagkakaroon ng trapiko tuwing rush hour mula alas-7 hanggang alas-8 ng umaga.
Gayunman, maaga pa lamang ay nasa lansangan na ang mga POSD personnel, simula alas-6 ng umaga, upang pangunahan ang pagpapatupad ng batas trapiko.
Kadalasang naitatala ang pagsikip ng trapiko sa mga tapat ng bangko, sa poblacion, at sa palengke.
Kaugnay nito, muling nanawagan si POSD Chief Mallillin sa mga motorista na iparada nang maayos ang kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang kaukulang parusa at makatulong sa maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










