𝗧𝗥𝗔𝗕𝗔𝗛𝗢 𝗦𝗔 𝗚𝗢𝗕𝗬𝗘𝗥𝗡𝗢 𝗔𝗧 𝗞𝗟𝗔𝗦𝗘 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗚𝗔𝗦𝗜𝗡𝗔𝗡, 𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗡𝗗𝗜𝗗𝗢

Suspendido ang trabaho sa gobyerno at klase sa Pangasinan ngayong araw dahil sa epekto ng Bagyong Carina na pinalakas ng Habagat.

Sa inilabas na Executive Order No. 0070 Series of 2024 na nilagdaan ni Governor Ramon V. Guico III, walang pasok sa government institution maging ang klase sa lahat ng antas paaralan sa Pangasinan.

Ginawa umano ang kautusan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at empleyado matapos isailalim ang lalawigan sa Orange Heavy Rainfall Warning.

Nasa mga pamunuan naman ng mga pribadong kompanya ang pagsuspendi ng pasok sa kanilang tanggapan.

Inatasan din ng Gobernador ang mga opisyal ng Department of education na ihanda ang school facilities bilang karagdagang evacuation centers.

Patuloy naman ang pagbibigay ng frontlines services gaya ng medical at emergency response.

Kinansela rin ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang trabaho at klase sa lahat ng antas ng paaralan matapos umanong makatanggap si Mayor Belen T. Fernandez ng flood advisory dahil sa pagtaas ng tubig sa Sinocalan River.

Sinabi rin nito na inaasahan ang buhos ng ulan sa lungsod na nasa 50-100 millimeters.

Inaasahan din ngayong araw ang 1.17 na metro na high tide sa oras ng 12:46 ng hapon at baba sa 0.16 na metro pagsapit ng alas nwebe ng gabi.

Sa ngayon, mahigpit ang isinasagawang monitoring ng lokal na pamahalaan sa mga low lying barangays na siyang maaring maapektuhan ng pagbaha. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments