Cauayan City – Timbog ang isang tricycle driver matapos ang matagumpay na pagsagawa ng drug buy-bust operation kagabi, ika-27 ng Pebrero sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alyas “Tanggol”, 37-anyos, at residente ng Brgy. Naguilian Baculod, Ilagan City, Isabela.
Nagkasa ng Drug buy-bust operation ang mga kapulisan matapos makatanggap ng report ang mga ito na ang suspek ay patuloy na nagbebenta ng hinihinalang shabu dito sa lungsod sa iba pang kalapit na barangay.
Naaresto si Alyas “Tanggol” matapos makapagbenta ng isang silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na mayroong bigat na 0.5 grams at nagkakahalaga ng P340 sa awtoridad na nagpanggap na buyer.
Bukod pa rito, nasamsam rin sa pag-iingat ng suspek ang karagdagang 12 silyadong plastic sachet na naglalaman ng parehong hinihinalang shabu na tinatayang nasa 0.60 grams at nagkakahalaga ng P4,080, buy-bust money, isang unit ng cellphone, isang pakete ng plastic sachet, lighter, pitaka, at shoulder bag.
Matapos maaresto, kaagad na dinala ang suspek sa Cauayan City District Hospital para sa medikal na pagsusuri, habang ang mga ebidensya ay dinala Sa Crime Laboratory Office para sa dokumentasyon.
Mahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Alyas Tanggol.