Wednesday, February 4, 2026

𝗨𝗠𝗔𝗡𝗢’𝗬 𝗜𝗡𝗩𝗘𝗦𝗧𝗠𝗘𝗡𝗧 𝗦𝗖𝗛𝗘𝗠𝗘 𝗡𝗔 𝗞𝗜𝗡𝗔𝗕𝗜𝗕𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗦𝗖𝗛𝗢𝗢𝗟 𝗛𝗘𝗔𝗗, 𝗜𝗡𝗔𝗟𝗠𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗟𝗚𝗨 𝗜𝗟𝗔𝗚𝗔𝗡

Cauayan City – Naglabas ng babala ang lokal na pamahalaan ng Ilagan kaugnay sa isang umano’y investment scheme matapos matuklasan ng Securities and Exchange Commission (SEC) Ilagan na ang Fidelity Capital Investment Group (FCIG) ay hindi awtorisado at hindi rehistrado upang mangalap ng puhunan mula sa publiko.

Ayon kay SP Rolando L. Tugade, mismong ang SEC ang naglabas ng advisory hinggil sa Fidelity Capital Investment Group, na kinabibilangan ni Jovy Alicaycay, isang public school head, at ilan pa niyang mga kasama.

Ang naturang advisory ay ibinahagi naman ni SP Kit Bello sa social media bilang bahagi ng information dissemination at pagprotekta sa mga residente laban sa posibleng pinsalang pinansyal.

Binigyang-diin ng mga opisyal na ang hakbang ng LGU Ilagan ay precautionary lamang, kahit wala pang naitatala o naihaing reklamo ng panlilinlang o panloloko laban sa nasabing grupo.

Layunin umano nito na maagap na mabigyan ng babala ang publiko hindi lamang sa Ilagan kundi pati na rin sa mga kalapit na lugar tulad ng Nueva Vizcaya at Santiago City.

Dahil sa isyu, nakatakdang imbitahan ng Ilagan City Council si Jovy Alicaycay upang maipaliwanag ang panig niya kaugnay ng mga pahayag at reaksyon niya sa social media matapos mailabas ang advisory.

Plano ring bumuo ng joint committee na iimbitahan ang iba’t ibang ahensya tulad ng NBI, CIDG, cybercrime units, at DepEd upang masusing talakayin ang nasabing isyu.

Sa pahayag naman ni SP Kit Bello, hahabaan niya ang kanyang pasensya bilang lingkod-bayan kahit siya ang unang tinarget ng mga pahayag ni Alicaycay sa social media.

Aniya, nais lamang niyang maunawaan kung saan nagmumula ang galit nito, ngunit ipinaalam na rin niya ang isyu sa kanyang abogado. Umaasa rin siyang dadalo si Alicaycay sa imbitasyon ng city council upang maipaliwanag nang maayos ang kanyang sarili.

Samantala, iginiit ni SP Bello na malinaw ang mandato ng SEC pagdating sa pagbabantay at pagbibigay-babala laban sa mga ilegal na negosyo at investment schemes, at tungkulin ng mga opisyal ng pamahalaan na ipaalam ito sa kanilang mga nasasakupan.

Sa huli, muling iginiit ni SP Rolando L. Tugade na batay sa advisory ng SEC, ang FCIG ay hindi awtorisadong mangalap ng puhunan mula sa publiko, at nananatiling bukas ang lokal na pamahalaan sa imbestigasyon upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.
————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments