𝟭𝟯 𝗞𝗔𝗦𝗢 𝗡𝗚 𝗦𝗨𝗡𝗢𝗚 𝗦𝗔 𝗥𝗘𝗛𝗜𝗬𝗢𝗡 𝗗𝗢𝗦, 𝗡𝗔𝗜𝗧𝗔𝗟𝗔 𝗡𝗚𝗔𝗬𝗢𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗥𝗦𝗢

CAUAYAN CITY- Nakapagtala ng 13 kaso ng sunog ang Bureau of Fire Protection (BFP) Region 2 ngayong buwan ng Marso.

Ayon kay Fire Inspector Dinah Rowena Amistad ng BFP Region 2, noong Enero 2024 ay nakapagtala ng 22 kaso ng sunog, samantalang noong Enero 2025 ay nakapagtala naman ng 23 kaso.

Ngayong buwan ng Pebrero 2025, 19 ang naitalang kaso ng sunog sa rehiyon, higit na mababa kung ikukumpara sa 39 na kaso ng sunog noong buwan ng Pebrero taon 2024.


Ipinaliwanag ni Amistad na ang mataas na bilang ng mga sunog noong nakaraang taon ay dulot ng matinding init ng panahon.

Sa kabila nito, patuloy ang mga hakbang ng BFP upang mapababa ang bilang ng mga insidente ng sunog.

Sinabi rin ni Provincial Information Officer Annaleen Joy Tungcul-Lingan ng BFP Cagayan, pinalakas ng ahensya ang implementasyon ng Oplan Ligtas Pamayanan (OLP), kung saan nagsasagawa ng mga drills sa mga paaralan at establisyemento upang mapalakas ang kahandaan sa sunog.

Bukod dito, ipinatupad din ang Community Fire Auxiliary Group (CFAG) na layuning magkaroon ng aktibong partisipasyon ang komunidad.

Ayon kay Tungcul-Lingan, nasa 90% na ang natapos na pagsasanay para sa CFAG sa buong Lambak ng Cagayan.

Kasama sa mga prayoridad na maging miyembro ng CFAG ay ang mga barangay officials upang mas mapalawak pa ang kahandaan ng bawat komunidad sa mga ganitong sakuna.

Facebook Comments