
Cauayan City – Hindi nakaligtas sa kamatayan ang isang 16-anyos na estudyante matapos sumalpok ang sinasakyan nitong single motorcycle sa isang elf truck sa bahagi ng Alicia-San Mateo road Brgy. Sto. Domingo, Alicia, Isabela kahapon ika-22 ng Enero.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Alicia Police Station, ang biktima ay kinilalang si “Mike”, residente ng Brgy. Paddad, Alicia, Isabela.
Ayon sa paunang imbestigasyon, lumalabas na binabaybay ng biktima daan patungo sa direksyon ng San Mateo kasama ang dalawa pang single motorcycle, habang ang elf truck naman ay nasa kasalungat na direksyon.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, sinubukang mag overtake ni Mike sa dalawang motor na kasama nito. Habang nasa proseso ng pag-overtake, sumalpok ito sa kasalubong nitong elf truck na noon ay nasa kabilang linya ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang motorsiklo ni “Mike” at natamaan rin ang 2 pang single motorcycle na kasama nito. Sa lakas ng impact, nagtamo ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si “Mike” na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.
Samantala, sugatan rin ang angkas ni Mike na si “Jay”, 16-anyos, pati na rin ang sakay ng dalawa pang motor na sina “Ced” 16-anyos, “Echo” 18-anyos, at “Zy”, 16-anyos, pawang mga residente ng bayan ng Alicia.
Sa kasalukuyan, nagpapagaling pa rin ang mga biktima ng aksidente sa pagamutan.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










