𝟮 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡, 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗡𝗚𝗚𝗔𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗠𝗢𝗧𝗢𝗥𝗦𝗜𝗞𝗟𝗢 𝗔𝗧 𝗦𝗔𝗦𝗔𝗞𝗬𝗔𝗡

Cauayan City – Sugatan ang dalawang katao matapos masangkot ang mga ito sa aksidente sa lansangan bandang alas onse kagabi ika-26 ng Hunyo sa Brgy. San Fermin Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, ang sangkot ay kinilalang sina Rodel Domingo, 52 anyos, residente ng Brgy. Canan, Cabatuan at tsuper ng Nissan Patrol, habang sakay naman ng single motorcycle na nakabanggan nito sina Alvin Usbal, at Jay-Em Usbal, pawang mula sa Palanan, Isabela.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, binabaybay ng dalawang behikulo ang daan sa magkasalungat na direksyon at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, bigla na lamang umanong pumasok sa kabilang linya sina Usbal dahilan para mabangga ang noon ay paparating na sasakyan ni Domingo.


Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan sina Usbal habang nagtamo rin ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala ang sasakyan ng mga ito.

Sa ngayon kasalukuyan pa ring nasa pagamutan ang dalawang sugatan habang nasa kustodiya rin ng Cauayan City PS si Domingo.

Facebook Comments