CAUAYAN CITY – Matagumpay na nahuli ng PNP Baggao ang tatlong suspek na sangkot sa illegal logging matapos ang isinagawang anti-illegal logging operation sa Barangay Asinga-Via, Baggao, Cagayan.
Kinilala ang mga ito na sina alyas “Tian”, 31-anyos; alyas “Son”, 21-anyos, at alyas “rod”, 48-anyos, na pawang mga residente rin ng nabanggit na bayan.
Nagkakahalaga ng P13,500 pesos ang naturang mga naputol na kahoy na may kabuuang sukat na 300 board feet.
Ayon sa ulat ng awtoridad, naaktuhan umano ang mga suspek na hinihila ang mga bagong putol na kahoy at nang hingan ng dokumento ay wala silang maipakita dahilan ng kanilang agarang pagkakahuli.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng Baggao Police Station at mahaharap sa kasong paglabag sa PD 705 o Revised Forestry Reform Code of the Philippines.