
Cauayan City — Tatlong menor de edad ang nasugatan matapos masunog ang ilang puwesto ng paputok sa Purok 4, Bulanao, Tabuk City noong bisperas ng Bagong Taon, ika-31 ng Disyembre.
Ayon sa Tabuk City Police, ang mga hindi na Pinangalanan biktima ay nasa edad 5, 13, at 14 na pawang mga residente ng Barangay Magsaysay.
Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas-11:55 ng gabi nang lumipad sa kabilang bahagi ng kalsada ang isang “kwitis” at tumama sa isang tumpok ng kwitis sa isang tindahan. Dahil dito, sunod-sunod na sumabog ang mga paputok na naging sanhi ng pagliyab ng mga puwesto sa lugar.
Dahil sa mga pagsabog, nagkagulo at nagsitakbuhan ang mga taong nasa lugar. Gayunman, hindi nakaiwas ang tatlong bata at nagtamo ng minor na galos sa kanilang mga kamay at paa.
Agad silang dinala sa Kalinga Provincial Hospital upang malunasan.
Samantala, iniulat ng Department of Health na umabot na sa 140 ang naitalang firework-related injuries sa buong bansa mula Disyembre 21 hanggang 30, 2025.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
Facebook Comments








