CAUAYAN CITY – Lubos ang pasasalamat na ibinigay ng tatlong (3) seaman na tubong Nueva Vizcaya sa kanilang gobernador na tumulong at tumiyak na makakauwi sila ng ligtas sa kanilang mga pamilya.
Ang tatlo ay kinilalang sina Captain Christian Domrique ng Bayombong; ang boat swain na si Emerson Loria ng Villaverde; at messman na si Mark Christian Domrique ng Diadi—pawang mga crew ng MV Tutor, ang bulk carrier na inatake ng mga rebeldeng Houthi mula bansang Yemen, noong ika-12 ng Hunyo taong kasalukuyan.
Halo-halong emosyon ang naramdaman ng mga crew habang isinasalaysay ng mga ito sa Ama ng Probinsya ng Nueva Vizcaya na si Atty. Jose Gambito ang kanilang naging karanasan noong sila ay atakihin ng grupong inakala nilang mga mangingisda lamang ngunit, grupo pala ng mga rebelde.
Ayon pa sa kapitan, kung hindi nito ipinag-utos ang ‘work stoppage’ maaaring maraming buhay ang nalagas nang araw na iyon.
Nanatili lamang sa loob ng barko ang mga ito hanggang sa dumating ang rescue.
Makalipas din ang ilang oras tuluyang lumubog ang barko at kasamang nilamon ng dagat ang isang Pilipinong crew na noo’y nasa engine room.
Sa kabuuang 22 crew ng MV Tutor ay 21 silang lahat na nakauwi sa Pilipinas, maliban na lamang sa isa pang nawawala.