CAUAYAN CITY – Unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay ng nasa 45 dating rebelde na nagbalik loob na sa pamahalaan.
Sa katunayan, tuluy-tuloy ang ibinibigay na tulong ng gobyerno kabilang na dito ang pamamahagi ng tulong pinansyal mula sa programang E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program.
Ang E-CLIP ay may layuning tulungan ang mga dating miyembro ng mga rebeldeng grupo na nais magbalik-loob sa gobyerno at mamuhay nang mapayapa.
Batay sa ulat ng Cagayan Provincial Information Office, sa nabanggit na bilang, 36 na sa mga ito ay dating Militia ng Bayan, na nakatanggap ng 15,000 immediate assistance, habang siyam naman ang dating NPA ang nakatanggap ng 15,000 immediate assistance, P21,000 reintegration, at 50,000 livelihood assistance mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) Cagayan.
Kaugnay nito, umaasa naman ang gobyerno na sa pamamagitan nito ay marami pa na mga kumakalaban sa pamahalaan ang tatalikod sa maling pakikibaka at babalik sa mapayapang buhay.