
Cauayan City – Nasabat ng mga operatiba ng Amulung Police Station ang mga ilegal na paputok at iba’t ibang klase ng pyrotechnic devices sa isang checkpoint sa Barangay Estafania, Amulung, Cagayan.
Kinilala ang mga sakay ng sasakyan bilang alyas “Jong”, “Mark”, at “Roy” na pawang mga residente ng Santiago City, Isabela.
Batay sa ulat ng PNP, pinara ng mga pulis ang isang elf close van para sa inspeksyon kung saan napansin ng mga operatiba na kargado ito ng iba’t ibang uri ng paputok at pailaw na walang kaukulang permit to transport mula sa PNP Firearms and Explosives Office.
Kabilang sa mga nakumpiska ang kwitis, luces, roman candle, fountain, bombshell fireworks, tiger, judas belt, dragon fireworks, at iba’t ibang klase ng pyrotechnic devices na nagkakahalaga ng P700,000.00.
Dahil sa kabiguan nilang magpakita ng mga dokumentong nagpapatunay ng legal na pagbiyahe ng mga paputok, agad na kinumpiska ng mga awtoridad ang mga kargamento.
Matapos maisagawa ang imbentaryo, nakipag-ugnayan ang PNP Amulung sa Firearms and Explosives Office para sa tamang disposisyon ng mga nakumpiskang paputok.
Sa ngayon, ang mga suspek ay nasa kustodiya ng Amulung Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila kaugnay ng paglabag sa Republic Act 7183 o “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices.”









