CAUAYAN CITY- Patuloy ang ginagawang paglilinis sa Barangay Hall at mga kabahayan sa Brgy. Gagabutan matapos malubog sa tubig ang mga ito noong kasagsagan ng Bagyo.
Sa panayam ng IFM News Team kay Brgy. Captain Sherwin Cortez, nasa walompung (80) porsyento ng barangay ang nalubog sa baha kung saan umabot hanggang baywang ang taas ng tubig sa kanilang tanggapan.
Aniya, wala namang naitalang nasaktan at nawalan ng alagang baka, kambing, baboy at kalabaw noong kasagsagan ng bagyo ngunit may mangilan-ngilan na nawalan ng alagang pato at manok.
Dagdag pa niya, hindi pa man tumatama ang bagyo sa kanilang barangay ay nagsilikas na ang mga residente sa mga karatig barangay.
Nakatanggap naman ng mga food packs at hygiene kits lahat ng residente sa Brgy. Gagabutan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Cauayan at mga Non-Government Offices.
Samantala, bukod sa mga kabahayan ay nalubog rin sa baha ang mga tanim na gulay ng mga magsasaka.