Bumaba noong nakaraang taong 2023 ang naitalang focus crimes sa lalawigan ng Pangasinan ayon sa Pangasinan Police Provincial Office.
Base sa ibinahagi ni PCapt. Renan Dela Cruz, ang PIO Chief ng PPO sa IFM News Dagupan ay pumalo sa kabuuang 625 na mga iba’t ibang krimen o kinabibilangangan ng 8 focus crimes gaya ng Murder, Homicide, Physical Injury, Rape, Robbery, Theft, Carnapping at Special Complex Crimes.
Sa datos bumaba ang index crime noong 2023 kung saan nasa 240 ang nalinis na kaso o cleared case, nasa 381 ang nalutas o solved case at nasa apat (4) naman hindi nalutas kumpara sa kaparehong panahon noong 2022 na ang index crime sa panahong ito ay nasa 246 ang cleared case habang 510 naman ang solved case na may kabuuang 756 na kaso.
Pumalo naman sa 99.4% crime clearance efficiency na nangangahulugan na ang mga suspek ay nakilala at ang mga kaso ay isinampa sa opisina ng kinauukulan. Habang nasa 61% naman ang naitala sa crime solution efficiency ng mga nalutas na kaso mula sa kabuuang bilang ng mga insidente ng krimen na hinahawakan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas.
Samantala, nangunguna sa listahan ng 8 focus crimes ang kasong rape na may 228 na kaso, theft o pagnanakaw na may bilang na 152 kaso, Murder na may 77 kaso, Physical Injury na may 63 kaso, 52 naman sa robbery, carnapping – 29 na kaso, homicide 19 na kaso at isa naman sa Special Complex Crimes o ibang kaso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨