Bumuo na ang lokal na pamahalaan ng Makati ng task force na tututok sa kaso ng Monkeypox para maiwasan ang community transmission ng nasabing viral infection sa syudad.
Sinabi ni Mayor Abby Binay na kapag nagpositibo sa Monkeypox ang isang residente, plano ng Makati City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na gamitin ang isa sa tatlong gusali ng Makati Friendship Suites sa Barangay Cembo para sa pagsubaybay sa pasyente, pag-isolate, at paglapat dito ng lunas.
Magbibigay din ang lungsod ng mga libreng gamot at food pack sa mga may hawak ng yellow card na nahawaan ng virus.
Ayon pa sa local chief executive, ang CESU ay nasa malapit na koordinasyon sa Ospital ng Makati.
Nakatakda ring makipagpulong si Binay sa mga opisyal ng Makati Medical Center at St. Clare’s Medical Center upang talakayin ang plano ng aksyon ng lungsod sakaling magkaroon ng monkeypox outbreak.
Dagdag pa ni Binay, tinitingnan ng lokal na pamahalaan ang pagsasama ng data ng monkeypox sa kanilang COVID-19 tracker.
Sa ngayon, wala pang naiulat na kaso ng monkeypox ang Makati City.