₱500 million na confidential funds ng OVP, hindi na maibabalik kahit pa sumalang sa bicam committee

Hindi na nga maibabalik pa ang tinanggal na ₱500 million, na confidential fund sa panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nakausap nila si Vice President Sara Duterte bago sumalang sa budget deliberation ang OVP at ang bise presidente mismo ang umaayaw na maibalik ang confidential funds.

Dahil aniya rito, maituturing nang ‘moot and academic’ na pagusapan pa sa bicameral conference committee ang confidential fund ng OVP.


Matatandaang sa plenary deliberations kahapon, ay inanunsyo ni Senator Sonny Angara na hindi na hihingi ang OVP ng confidential funds sa 2024 budget.

Ito ay sa paniniwala ni Duterte na magdudulot lamang ito ng pagkawatak-watak at bilang ikalawang Pangulo ng bansa ay may sinumpaan siyang tungkulin na panatilihin ang kapayapaan at katatagan ng bansa.

Dahil wala na ang confidential fund, ang dating ₱2.3 billion na 2024 budget ng OVP ay bumaba na sa ₱1.87 billion.

Facebook Comments