1.2 Milyong kilo ng basura, nahakot sa tatlong linggong clean-up drive sa Metro Manila

Umaabot na sa 1.2 Milyong kilo ng basura ang nahakot sa tatlong linggong clean-up drive sa Metro Manila.

Kanina, mahigit isang libong volunteers ang nakiisa sa paglilinis sa siyam na ilog at dose-dosenang estero sa Kamaynilaan.

Ayon sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), karamihan sa mga tumulong ay mga empleyado ng gobyerno at mga bumbero.


Kabilang sa mga nilinis at ininspeksyon ay ang estero de magdalena sa Tondo, Tripa de Galina Creek sa Pasay na konektado sa Parañaque River.

Kasamang nag-inspeksyon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim.

Muli namang ipinaalala ni Año sa mga opisyal ng 5,700 barangay sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon ang pagsasagawa ng lingguhang clean up drive sa mga daluyan ng tubig bilang bahagi ng rehabilitasyon ng Manila Bay na nagsimula noong January 27.

Ang mga barangay official na magpapabaya ay irereklamo ng dereliction of duty.

Samantala, nasa 11,000 pamilya na nakatira malapit sa mga waterways ang ikinokonsiderang palipatin sa Cavite at Bulacan.

Facebook Comments