Binigyang diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kahalagahan ng pagsunod sa minimum public health standards lalo na at maraming Pilipino na ang nakabalik sa kanilang trabaho sa harap ng pandemya.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, dapat panatilihin ang disiplina lalo na sa pagtalima sa health protocols.
Iginiit ng kalihim na hindi na kakayanin ng bansa na bumalik pa sa mahigpit na lockdown at mawalan muli ng trabaho ang milyong manggagawa.
Ipinagmalaki rin ni Bello ang lumabas sa January 2021 Labor Force Survey kung saan tumaas ng 1.6 million ang labor force.
Mula sa nasabing bilang, 1.4 milllion ang nagkaroon muli ng trabaho.
Sabi ni Bello na unti-unti nang nakakabangon ang mga negosyo at inaasahang bubuti ang employment performance ng bansa sa mga susunod pang mga buwan ngayong mayroon na ring bakuna laban sa COVID-19.