Simula ngayong araw unti-unti nang nararamdaman ang uwian ng mga pasahero kaugnay ng mahabang bakasyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX, bukas pa inaasahan ang dagsa ng mga pasahero.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Jason Salvador, Head ng Corporate Affairs and Government Relations ng PITX na aabot sa 1.6 milyon ang bilang ng mga pasaherong inaasahang dadagsa sa terminal simula bukas hanggang November 6.
Batay aniya ito sa historical data kung saan maliban sa mga pasaherong nagsisiuwian kapag panahon ng Undas, marami ring taga-probinsya ang lumuluwas naman para mamasyal sa Maynila.
Kaugnay nito’y siniguri ni Salvador ang kahandaan ng PITX para sa BSKE at Undas exodus.
Unang linggo pa lang anya ng Oktubre ay inasikaso na nila ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga pampublikong transportasyon.
Ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Katuwang ng PITX ang transport regulators para sa random drug testing at alcohol testing ng mga driver, maging sa pag-iinspeksyon sa roadworthiness ng mga bibiyaheng sasakyan.