1.8-M senior citizens, target mabakunahan sa “Bayanihan, Bakunahan 4”

Target ng gobyerno na makapagbakuna ng hindi bababa sa 1.8 milyong mga senior citizen sa buong bansa sa ikaapat na bugso ng “Bayanihan, Bakunahan” ngayong Marso.

Ayon kay Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje, tuloy na ang pagdaraos ng Bayanihan, Bakunahan 4 sa March 10, 11 at 12 kung saan magbabakuna na rin sa mga bahay at opisina.

Prayoridad na mabakunahan ang mga nakatatanda na hindi pa nakakakumpleto sa kanilang primary dose series gayundin ang mga naka-schedule na para sa booster shots.


Sisikapin din ng pamahalaan na mapabilis pa ang pagbabakuna bago magsimula ang local campaign period sa Marso 25.

Tututukan nila ang pagtuturok ng booster shot sa mga lugar na naabot na ang 70% target population at primary series naman sa mga lugar na may mababang vaccination rate.

Tiniyak din ni Cabotaje na may sapat na suplay ng bakuna ang bansa.

Nabatid na target ng gobyerno na makakumpleto sa bakuna ang 77 milyong mga Pilipino hanggang sa katapusan ng Marso habang 90 milyon naman bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.

Facebook Comments