Cauayan City,Isabela- Isa na naman colorum na sasakyan na may walong pasahero ang hinuli ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) region 2 kaninang alas-3:00 ng madaling araw sa border checkpoint ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya.
Ayon sa ahensya, iligal umanong bumibiyahe ang naturang sasakyan mula Metro Manila hanggang Cagayan at vice versa.
Kinokolektahan din umano ng driver ng Toyota Hi-Ace Van ng aabot sa P2, 500 ang kada isang pasahero na kanilang pamasahe.
Dahil dito, na-impound ang sasakyan na ginamit sa biyahe habang tiniyak ng ahensya na ang mga pasahero ay makauwing ligtas sa kanilang mga bayan sa Isabela at Cagayan.
Samantala, may natatanggap rin umanong ulat ang LTFRB na ilang colorum trucks ang malayang dumadaan sa hangganan ng Cagayan.
Hinimok naman ang publiko na huwag matakot na ipagbigay alam sa ahensya ang mga iligal na aktibidad o anumang paglabag sa sektor ng transportasyon.
Papapanagutin naman ang mga nahuling drayber maging ang operator sa ilalim ng batas.