Umaapela ang Philippine National Police (PNP) sa iba pang biktima ng limang pulis-Maynila na lumutang at maghain ng kaso laban sa mga ito.
Ito ang panawagan ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, makaraang sumuko kagabi ang limang pulis sa tanggapan ni Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC Chairperson Usec. Gilbert Cruz saka iniharap kay PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr.
Ayon kay Fajardo, sinuman ang nabiktima ng limang pulis ay dapat makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Sinabi pa nito na base sa datos, dalawa sa liamng pulis ang mayroon nang kinasangkutang kaso.
Sa ngayon, nasa ilalim na ng restrictive custody ng MPD ang mga pulis kung saan isinuko na rin ng mga ito ang kanilang armas.
Sibak na rin ang lahat ng pulis sa Manila District Police Office Intelligence Operations Unit kasama ang kanilang pinuno bilang bahagi ng command responsibility.
Matatandaang nasibak ang lima matapos pagnakawan at kikilan umano ang isang may-ari ng computer shop sa Sampaloc, Maynila na ngayon ay nahaharap sa robbery-extortion.