Hindi bababa sa isang milyong mga bagong botante ang inaasahang madaragdag sa bilang ng mga makikilahok sa darating na barangay at SK elections sa Disyembre.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, nasa 500,000 indibidwal ang inaasahan nilang magpaparehistro bilang mga regular voter.
Habang tinatayang aabot sa 23 million ang kabuuang bilang ng mga botante para sa Sangguniang Kabataan elections.
“Kung dati po do’n sa regular voters natin, nasa 65 million po tayo e, ngayon po inaasahan namin na mag-66 million tayo. So, more or less, madaragdagan po ng mga around ano yan, less than 500,000. Sa SK naman po, ito po ‘yong pagtataya ngayon ng aming statistical division, mga around 23 million. So, more or less mga less than a million ‘yong ine-expect namin na lahat-lahat magpupunta sa aming tanggapan,” ani Laudiangco sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.
Ngayong araw nga ay sinimulan na ng Comelec ang pagpaparehistro para sa barangay at SK elections na tatagal hanggang sa July 23.
Bukod sa pagpapahaba ng oras ng registration, target din ng komisyon na paramihin ang satellite registrations particular sa mga mall, basketball court at iba pang malalawak na venue, para mas marami ang mahikayat na makapagparehistro.
Tiniyak din ng Comelec na tuloy-tuloy ang gagawin nilang paghahanda hangga’t walang batas na nagpapaliban muli sa naturang halalan.