1 Milyong Punong Kahoy, Target na Itanim sa Loob ng Isang Araw sa Sierra Madre!

*Cauayan City, Isabela-* Para sa ibayong mapangalagaan ang kalikasan ay agad na nagpalabas ng dalawang Executive Order no. 15 at no.16 si Isabela Gov. Rodolfo T. Albano III para sa 1 milyong punong kahoy na target itanim sa loob ng isang araw sa Sierra Madre.

Kaalinsabay ng pagpupulong ng mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC na pinangunahan ni Gov.Albano at ilan pang mga opisyal at personalidad para balangkasin at maisakatuparan ang adhikain na makapagtanim ng 1 milyong punong kahoy sa isang araw sa Sierra Madre partikular sa bulubundukin na bahagi ng Ilagan-Divilacan road.

Ang Executive order #15 ay paglikha at makapagtanim ng 1 million punongkahoy sa isang araw kaalinsabay ng pagbuo ng Task Force for the Reforestation sa Sierra Madre at pangangalaga sa kalikasan.


Sa binuong Task Force ay itinalaga si Gov.Albano bilang Chairman, Vice Gov. si Faustino Dy III, Vice Chairman at Marlon Agnar ng PENRO-Isabela, Hon.Dax Paulo Binag, SK Federation President-Isabela Chapter bilang Action Officer, Mr Reymel Respecio- OIC Provincial Youth Development Office.

Ang mga miyembro naman nito ay sina Hon. Marco Paulo Meris-SP Committee on Enviroment, Mayor Arnold Bautista-League of Municipalities President-Isabela Federation, Liga ng mga Barangay President-Isabela Federation.

Nangako ng buong suporta ang halos lahat ng ahensya ng pamahalaan, Non Goverment Agencies, at iba pang sector para makiisa sa target na makapagtanim ng isang (1) milyong puno sa isang araw.

Ayon kay Gov.Albano ay hindi lang punong kahoy ang itatanim kundi ang mapakinabangan na fruit trees ng ilan residente na nakatira sa lugar para sa karagdagan nilang pangkabuhayan.

Hinihiling naman ang lahat na makiisa at mag-donate ng mga punong kahoy para sa reforestration sa Sierra Madre.

Napagkasunduan na target na makapagtanim sa buwan ng Disyembre ngayong taon dahil naaayon ito sa malamig na klima.

Dahil dito ay nangako ang ibat-ibang ahensya at sektor para matugunan ang adhikain kaya’t pumirma ang mga ito ng isang kompromiso para maprotektahan ang kalikasan.

Facebook Comments