Nagpakamatay ang isang babaeng Overseas Filipino Workers o OFWs na ni-repatirate mula sa kuwait habang nananatili ito sa isang lodging house kung saan sila naka-quarantine sa Pasay City.
Nakilala ang biktima na si Algen Cadungog, 42-anyos na residente ng Demapaco Libungan Cotabato.
Sa imbestigasyon, natagpuan ng mga kasamahan nito na sina Edna Maturan at Noemi Gorospe ang biktima na nakabigte gamit ang isang scarf sa ilalim ng hagdanan paakyat ng ikalawang palapag kaninang alas-6:00 ng umaga.
Nabatid na nananatili at naka-quarantine ang biktima kasama ang iba pang ofw sa Liza Lodge sa may Cuneta Avenue, Barangay 76 zone 10 sa Pasay City na itinalagang quarantine facility ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Ang biktima kasama ang iba pang OFW na ni-repatriate mula kuwait ay dinala sa lodging house noong April 4, 2020 para sumailalim sa quarantine kung saan natapos na ito Cadungog at naghihintay na lamang siya kung ano ang susunod na gagawin.
Napag-alaman pa na huling nakitang buhay ang biktima na malungkot at tila balisa. At base pa sa huling kwento nito sa kaniyang mga kasamahan na tinangka na din niyang magpakamatay noon habang nasa Kuwait.
Sa ngayon, dinala na ang bangkay ng biktima sa Rizal Funeral Homes at inabisuhan na din ng OWWA ang kamag-anak nito.