1-Pacman Partylist Rep. Eric Pineda, nagpositibo sa COVID-19; mga positibo sa sakit na mga kawani ng Kamara, nasa 64 na

Nadagdagan pa ng dalawa ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Aabot na sa 64 ang kabuuang bilang ng mga nagkasakit ng COVID-19 sa Kamara.

Ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, ang unang bagong tinamaan ng sakit ay nakatalaga sa Oversight Committee at huling pumasok sya sa trabaho noong September 1 at 2.


Sumailalim sa test ang nasabing empleyado matapos makaranas ng panginginig, sipon at pagkawala ng pang-amoy.

Ang ikalawa namang nadagdag sa mga positibo sa COVID-19 ay mula sa Information and Communications Technology Service na huling pumasok sa trabaho noong August 24 at 26.

Nagpasuri agad ang naturang empleyado makaraang magkaroon ng lagnat, body malaise, ubo at kawalan ng pang-amoy.

Dagdag pa ni Montales, ang dalawa ay hindi close contact ng mga kumpirmadong kaso sa kamara.

Patuloy ngayon ang contact tracing sa iba pang empleyado na nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Sa huling datos, nasa 13 na ang kabuuang active COVID-19 cases sa kamara.

Samantala, kinumpirma ni 1-Pacman Partylist Rep. Eric Pineda na nagpositibo siya sa COVID-19.

Sinabi ni Pineda na biyernes niya nakuha ang resulta ng kanyang COVID-19 test.

Nagpaalala naman si Pineda sa lahat ng kanyang mga nakasalamuha sa nakalipas na limang araw na gawin ang mga kinakailangang pag-iingat tulad ng self quarantine.

Facebook Comments