1 Patay, 1 Sugatan Matapos Bumangga sa Barrier

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang helper habang sugatan ang kanyang angkas matapos bumangga sa crash barrier ang kanilang motorsiklo pasado alas-7:00 kagabi sa Brgy. San Manuel, Naguilian, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si James Galutera, 24-anyos, may-asawa habang ang sugatan ay si Jason Tabanyag, 23-anyos na kapwa residente ng Brgy. Dipaluda, Angadanan, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSg. Charlie Cappuccino, imbestigador ng PNP Naguilian, papauwi sa bayan ng Angadanan ang mga biktima ng hindi nito mapansin ang pakurbadang daan hanggang sa bumangga ang motorsiklo at tumilapon sila sa crash barrier ng daan.


Ayon pa kay PSSg. Cappuccino, batay sa kanilang imbestigasyon ay galing sa inuman ang dalawa bago mangyari ang aksidente.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nagtamo ng bali sa kamay at matinding tama sa ulo ang driver na si Galutera na dahilan ng kanyang pagkamatay habang sugatan naman ang angkas nito na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Paalala naman ng mga awtoridad na iwasan ang pagmamaneho kung lango sa nakalalasing na inumin upang maiwasan ang anumang aksidente.

Facebook Comments