1 Patay; 1 Sugatan sa Banggaan ng Motorsiklo at Closed Van

24

Cauayan City, Isabela- Dead on arrival ang tsuper ng motorsiklo matapos sumalpok ang sinasakyan nito sa isang closed van dakong alas-6:00 kagabi sa pambansang lansangan na sakop ng Brgy. Alinam, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si Santi Belen, nasa hustong gulang at ang angkas nito na si Marnel Collado, 37-anyos, may-asawa na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital na kapwa mga residente ng Brgy. Landingan, Nagtipunan, Quirino.


Habang ang drayber ng closed van ay kinilalang si Leo Alvin Pagtulingan, 30-anyos, may-asawa at residente ng La Torre North, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, binabagtas ng dalawang sasakyan ang hilagang direksyon ng daan patungo sa city proper ng sumalpok ang motorsiklo sa closed van dahilan para tumilapon pailalim ang biktima.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang mga biktima na kaagad namang naisugod ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922 sa pagamutan.

Posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Serious Physical Injury and Damage to Property ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng mga otoridad.



Facebook Comments