1 patay, 2 sugatan sa landslide sa Liliw, Laguna — PNP

Patay ang isang construction worker at malubhang nasugatan ang dalawang iba pa nang matabunan ng gumuhong lupa sa Purok 6, Barangay Calumpang, Liliw, Laguna bandang alas-kwarto ng hapon kahapon.

Sa ulat ni PNP Area Police Command – Southern Luzon (APC-SL) Commander Police Lt. General Rhoderick Armamento kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., nagtatayo ng rip-rap ang mga biktima sa river dam sa naturang lugar nang bigla nalang nagkaroon ng landslide dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Kinilala ang nasawi na si Vijay Estanda Salisod, 36, residente ng Barangay Calumpang, Liliw Laguna.


Habang naligtas naman ang dalawa pang construction worker na malubhang nasugatan na sina: Joel Apostol Basco, 41, at Eduardo De Chavez Dela Cueva, 59, kapwa residente ng Barangay Calumpang, Liliw Laguna.

Kasunod nito, inatasan ni Gen. Armamento ang Chief of Police ng Liliw, Laguna na i-cordon-off ang lugar at makipag-coordinate sa local government unit (LGU) ng Liliw at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para maiwasang maulit ang insidente.

Facebook Comments