1 Patay, 2 Sugatan sa Pagsalpok ng Motorsiklo sa Sasakyan!

843

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang lalaki habang sugatan ang dalawa nitong angkas matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang sasakyan sa kahabaan ng Brgy. Rizalina, Aurora, Isabela.

Kinilala ang nasawi at drayber ng Honda beat na si Lemar Castillo, 31 anyos, magsasaka, may-asawa at residente ng Brgy. Dalig Viejo, Burgos, Isabela.


Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Aurora, habang paliko sa daan ang Toyota Hilux na may plakang WOZ 957 na minamaneho ni Apolinario Datu, 44 anyos, may-asawa, negosyante, residente ng Brgy. San Pedro San Pablo, Aurora, Isabela ay biglang sumalpok sa sasakyan ang motorsiklo ng biktima na galing sa Silangang direksyon.

Ayon pa sa pulisya, mabilis umano ang patakbo ng biktima kaya’t bumangga ito sa nag U-turn na sasakyan.

Agad na binawian ng buhay ang drayber ng motorsiklo habang nagtamo ng mga pinsala sa katawan ang dalawa nitong angkas na kinilalang sina Emerson Labor, 31 anyos, may-asawa, magsasaka, residente ng Brgy. Dalig Viejo, Burgos Isabela at alyas “Kumpad” na tubong Ilocos Region.

Dinala naman sa pagamutan ang dalawang sugatan habang maswerteng hindi nasugatan ang drayber ng sasakyan.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang drayber ng sasakyan at dalawang behikulo para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments

From Advertisers