1 Patay, 3 Sugatan Matapos Masunog ang Bahay sa Santiago City!

Cauayan City, Isabela- Natusta ang 14-anyos na babae habang sugatan ang kanyang kapatid, lolo at lola matapos matupok ng apoy ang kanilang bahay sa Jacob St., P-5 San Jose, Santiago City.

Sunog ang buong katawan ng dalagita na si Nadine Zerrudo, estudyante habang sugatan ang 10 anyos na kapatid na si Sophia Zerrudo maging ang kanilang lolo at lola na sina Aida at Nestor Selmo, parehong 64-anyos at pawang mga residente sa naturang lugar.

Dakong alas 11:00 kagabi, habang natutulog sa kanilang kwarto ang mga biktima nang biglang sumiklab ang sunog.


Agad itong nirespondehan ng BFP at PNP Santiago City subalit hindi na nailigtas ang dalagita na naiwan sa kanyang kwarto.

Naapula ang sunog at idineklarang ‘fire out’ alas 12:38 kaninang madaling araw.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang posibleng pinagmulan ng nangyaring sunog sa naturang Lungsod.

Facebook Comments