Cauayan City, Isabela- Sugatan ang tatlong sakay ng jeep habang 1 naman ang patay matapos bumaliktad ang kanilang sinasakyan pasado alas-9:00 kaninang umaga sa municipal road ng Brgy. Cadsalan, San Mariano, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa San Mariano Police Station, kinilala ang nasawing biktima na si Regie Bumagat, 33-anyos, helper at residente ng San Manuel, Roxas Isabela.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng jeepney driver ang daan patungo sa Brgy. Cadsalan nang mawalan umano ito ng kontrol sa manibela partikular sa paibabang bahagi ng kalsada na dahilan ng kanilang pagbangga sa gilid ng daan.
Dahil dito, bumaligtad at tumilapon ang mga sakay ng jeep na kinabibilangan nila Reymund Martinez, 35-anyos, may-ari at tsuper ng naturang jeep;Edgar Martinez, 17-anyos at Roy Tamang, 45-anyos, helper at pawang mga residente ng Brgy. Balagan sa nabanggit na bayan habang nasawi naman ang biktimang si Bumagat.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan subalit hindi na nakaligtas pa ng buhay si Bumagat dahil sa matinding pinsala na tinamo sa aksidente.
Samantala, boluntaryo namang isinuko sa kapulisan ni Martinez ang kanyang sarili matapos ang nangyaring aksidente.