1 Patay, 4 Sugatan sa Pagkahulog ng Pick-up sa Bangin!

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang isang lalaki habang sugatan ang apat pang katao matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang pick-up pasado alas singko ng hapon kahapon partikular sa Ilagan-Divilacan road malapit sa Brgy. Sindun Bayabo, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na kabilang sa limang pasahero ng pick-up na si Gilbert Reyes, nasa tamang edad, walang asawa at residente ng Divilacan Isabela habang ang mga sugatan ay nakilalang sina Jeffrey Martin, Jewelrose Martin, Maricar Foronda, Luz Martinez na pawang mga residente ng Burgos Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Ilagan City, patungong Lungsod ng Ilagan ang Isuzu pick-up na minamaneho ni Edma Quenangan, 33 anyos, may-asawa at residente ng Dimapula, Divilacan, Isabela at nang makarating sa palusong at pakurbang bahagi ng daan ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ang drayber kaya’t dumeretso at nahulog sa bangin na may lalim na halos 50 metro.


Agad na binawian ng buhay si Reyes habang dinala naman sa pagamutan ang apat na kasamahang pasahero para sa kanilang kaukulang lunas.

Ang drayner naman ng pick-up ay hindi nasugatan na ngayon ay nasa kustodiya ng PNP Ilagan City para sa karagdagang imbestigasyon at dokumentasyon.

Facebook Comments