1 patay, 5 sugatan nang salpukin ng multicab ang isang tricycle sa North Cotabato!

Dahil sa grabeng mga sugat na kanyang tinamo, binawian ng buhay ang isang Maila Sindatok, 21 anyos, dalaga, OFW makaraang masangkot sa road accident sa Crossing Migkampong, Barangay Batulawan, Pikit,North Cotabato, alas 2:30 ng hapon kanina.
5 naman ang nasugatan sa naturang aksidente na kinilalang sina Sophea Nawal, 75 anyos, Baikan Nawal Ibong, 62 anyos, negosyante, residente ng Poblacion Pikit, Precilla Midsapak, 39 anyos, Barangay Health Worker ng barangay Takepan, Wilma Sindatok, 39, at ang tricycle driver na si Junto Ziosop, 41.
Ang nasawi at mga nasugatan ay mula sa tricycle na may plakang 5940 MZ samantalang wala namang casualty sa panig ng mga sakay ng multicab na may plakang KFH 341.
Napag-alaman na pinara ng nasawi na si Maila at ng sugatan nitong kapatid na si Wilma ang tricycle, aktong sasampa na ang mga ito nang bigla na lamang silang salpukin ng multicab, sa lakas ng impact ay parehong nahulog sa palayan ang dalawang sasakyan samantalang nagsilataksikan ang mga biktima.
Ganon na lamang ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng nasawing si Sindatok lalo pa’t nakatakda sana itong babalik ng abrod bukas January 18.
Patuloy pa ang pagsisiyasat ng mga awtoridad kaugnay ng aksidente samantalang kinostudiya na ng Pikit PNP ang driver ng multicab na si Abil Limbaga.(with report from:jessie ali)

Facebook Comments