1 Patay sa Banggaan ng Motorsiklo at SUV

Cauayan City, Isabela- Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang tsuper ng motorsiklo matapos umanong banggain ang SUV dakong alas-7:40 kaninang umaga sa kahabaan ng Barangay San Carlos, Benito, Soliven, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Felino Duques, 41-anyos, may-asawa at residente ng Barangay Yeban Norte habang ang tsuper ng nakabanggaan na SUV na may plakang BAB 4358 ay nakilalang si Leonard Carolino, 19-anyos, binata, residente ng Brgy. District 1 at ang pasahero nito na si Dina Carolina, 29-anyos, may-asawa na residente naman ng Brgy. Punit sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng iFM Cauayan sa Benito Soliven Police Station, lumalabas sa imbestigasyon na binabagtas ni Duques ang lansangan sa direksyon ng Naguilian, Isabela ng umagaw umano ito ng linya dahilan ng pagsalpok sa SUV.


Dahil dito, nagtamo ng matinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tsuper ng motorsiklo na kaagad namang isinugod sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng sumuring doktor habang maswerte namang walang galos na tinamo ang mga sakay ng SUV.

Inaalam naman ang halaga ng pinsala ng mga sangkot na sasakyan sa aksidente na ngayon ay nasa pangangalaga ng pulisya.

Inihahanda naman ang reklamo na posibleng kaharapin ng binata matapos ang insidente.

Facebook Comments