1 Pulis, Patay sa Pagbangga sa isang Dumptruck sa Isabela

60

Cauayan City, Isabela- Binawian ng buhay ang isang pulis habang sugatan naman ang sakay ng kotse ng biktima matapos bumangga sa kasalubong na dump truck sa pambansang lansangan ng Brgy. Magsaysay, Cabatuan, Isabela ngayong araw.

Nakilala ang nasawi na si Patrolman Gilbert Ison, nakatalaga sa 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company at residente ng Brgy. Carabatan Punta, Cauayan City.


Sa nakuhang impormasyon ng iFM Cauayan sa Cabatuan Police Station, kasalukuyan ang pagmamaneho ni Pat. Ison sa kanyang kotse patungo sa bayan ng San Mateo habang ang minamaneho na dumptruck ni Emmanuel Miguel Calderon at residente ng bayan ng San Isidro ay patungo naman sa Cauayan City ng biglang bumangga ang sasakyan ni Ison sa naturang truck ng mawalan umano ito ng kontrol sa manibela.

Lumalabas pa sa imbestigasyon ng pulisya, sinubukan umanong mag-overtake ni Pat. Ison subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay pumutok ang harapang bahagi ng gulong ng kanyang sasakyan at bumangga sa kasalubong na truck.

Sugatan naman sa nangyaring banggaan ang sakay sa kotse ni Ison na kanyang maybahay na si Rose Ison gayundin sina Antonio Sanchez at Roberto Ison.

Dagdag sa report, sumabog naman ang harapang bahagi ng gulong ng dumptruck kung kaya’t nawalan din ito ng kontrol hanggang sa bumaligtad sa gilid ng daan habang aksidenteng nabangga ng sasakyan ni Ison ang mga nakaparadang sasakyan gaya ng tricycle, isang SUV, multicab at isa pang sasakyan.



Plano ng pamilya ni Ison ang pagpapacheck-up sa asawa nitong buntis na magtutungo sana sa Santiago City.


Kaugnay nito, idineklara namang dead on arrival si Pat. Ison ng sumuring doktor matapos isugod ng mga rumespondeng medical team.

Maswerte namang ligtas na sa ngayon ang mga kasama sa kotse ni Ison na inoobserbahan pa rin sa pagamutan.

Pansamantala namang ikinostodiya ng pulisya ang tsuper ng dumptruck habang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Facebook Comments