Isa ang nasawi habang 25 tao ang sugatan matapos ang nangyaring 6.6 magnitude na lindol sa Cataingan, Masbate kaninang umaga.
Ang nasawi ay kinilalang si retired Police Col. Gilbert Sauro, residente ng Cataingan, Masbate na nabagsakan nang nag-collapse na bahay.
Habang ang 25 mga sugatan ay naitala sa bayan ng Palanas, Pio V. Corpus at Uson sa Masbate.
Batay pa sa assessment ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 16 na bahay ang nasira mula sa tatlong bayan, 14 sa mga bahay ay partially damaged habang 2 ay totally damaged.
Bahagyang nasira rin ng malakas na lindol ang Cataingan Astrodome, Cataingan Municipal College, Cataingan District Hospital, concrete road at docking area ng Cataingan Port, maging ang Public Attorney’s Office building, Old at New Cataingan Public Market at gusali ng Cataingan Municipal Police Station.
Sa ngayon, balik normal na ang supply ng kuryente sa Masbate, Ticao at Burias Islands.