Undocumented umano ang isa sa apat na Pilipinong namatay sa malaking pagsabog sa Beirut, Lebanon noong Agosto 4, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa isang ulat, sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng nasawing OFW dahil napag-alamang hindi ito rehistrado sa POEA nang magtungo sa Lebanon upang magtrabaho.
Nabatid ng kalihim na tubong Guimaras, Isabela, at Zamboanga del Sur ang tatlo pang Pinoy na pumanaw sa malagim na trahedya.
Ayon kay Bello, nakatakdang maiuwi sa Agosto 16 ang bangkay ng apat na namatay at ilang repatriated OFW na galing din sa Beirut.
Magaganap naman sa Agosto 20 ang ikalawang repatriationg flight, kung saan makakasama ang 11 marinong nakaligtas sa sakuna.
Samantala, ang mga kababayang balik-Pinas ay puwedeng mag-apply ng financial assistance sa pamamagitan ng programang Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) at National Reintegration, na parehong nasa ilalim ng DOLE.
Batay sa huling datos na nakalap ng kagawaran, umabot na sa 47 ang bilang ng mga sugatang OFW sa nangyaring malakas na pagsabog.