1 sa 9 na high-profile inmate na nasawi sa Bilibid, negatibo sa COVID-19

Negatibo sa COVID-19 ang isa sa siyam na high-profile inmate na nasawi sa New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na isumite ng Bureau of Corrections (BuCor) ang death certificates ng mga nasawing drug lords.

May 28 nang namatay si Francis Go dahil sa hypoxia o kawalan ng oxygen sa katawan bunsod ng pneumonia.


Gayunman, nakasaad sa COVID-19 test result ni Go na negatibo siya sa virus.

Paglilinaw naman ng BuCor, pangalawang test na ito ni Go matapos siyang mamatay kung saan lumabas sa naunang test na positibo siya sa COVID-19.

Habang nakasaad sa dokumento ng walong iba pang high profile inmates na positibo sila sa nakahahawang sakit.

Samantala, umaasa si Senadora Risa Hontiveros na agad matatalakay sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Lunes ang inihain nitong resolusyon para imbestigahan ang pagkamatay ng mga high profile inmate sa Bilibid.

“Kapag nagsimula na yung inquiry namin at kung tawagin sila ng mga taga-pangulo ng komite na didinig sa resolusyon ko, ay kailangan talaga dumalo sila at sumagot ng makatotohanan sa mga tanong na itatanong namin alang-alang sa kapanatagan ng loob ng publiko,”ani Hontiveros.

“Lalo na sa konteksto ngayon ng pandemya na dapat walang mga misteryosong pangyayari tulad nito na nagdadala ng duda sa kaisipan ng publiko,” dagdag pa ng senador.

Facebook Comments