Hindi sapat para kay Senator Richard Gordon ang kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kay dating PNP Chief Oscar Albayalde kaugnay sa kontrobersyal na drug raid sa Mexico pampanga noong 2013.
Kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa ng DOJ laban kay Albayalde na may parusang pagkakulong ng mula isang taon hanggang sampung taon, pagkadiskwalipika sa alinmang tanggapan sa pamahalaan at pag-bawi sa hindi maipaliwanag na yaman.
Giit ni Gordon, base sa resulta ng pagdinig ng Senado na kanyang pinamunuan ay malinaw na isampa kay Albayalde ang paglabag sa R.A. No. 9165 or Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Gordon, ang mapapatunayang guilty sa nabanggit na kaso ay may parusang habambuhay na pagkabilanggo, multa na mula kalahating milyon hanggang sampung milyong piso at pagkadiskwalipika din na magtrabaho sa gobyerno.
Sabi ni Gordon, pwede ring idagdag sa kaso ni Albayalde ang paglabag sa Article 208 ng Revised Penal Code na may parusang kulong na mula anim na buwan hangang mahigit dalawang taon.