1 Sundalo-Patay, 2 Sugatan sa Nangyaring Engkuwentro sa Echague, Isabela!

Cauayan City, Isabela- Isang sundalo ang binawian ng buhay habang dalawa ang sugatan sa tropa ng 86th Infantry Battalion matapos ang sagupaan sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) partikular sa Brgy. Villa Rey, Echague, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Maj. Noriel Tayaban, pinuno ng Divisions Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, Philippine Army, nag-ugat ang engkwentro bandang alas 5:00 kaninang hapon nang magtungo ang kasundaluhan sa lugar upang kumpirmahin ang sumbong ng mga residente kaugnay sa ginagawang pangingikil ng mga rebelde.

Nang parating ang mga sundalo sa lugar ay agad silang pinapatukan ng hindi pa mabatid na bilang ng mga NPA na nagresulta sa kanilang bakbakan na ikinasawi ni CPL Adonis Valera na taga Pinukpok, Kalinga at ikinasugat nina CPL Harold Ganagan ng Tinglayan, Kalinga at CPL Fajardo Manuel ng Paracelis, Mt. Province.


Dagdag ni Maj Tayaban, wala namang nadamay na sibilyan sa nangyaring engkuwentro habang inaalam pa ng tropa ng pamahalaan sa panig ng NPA.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ang isinasagawang hot pursuit operation ng kasundaluhan upang matunton ang kinaroroonan ng mga nakasagupang rebelde.

 

Facebook Comments