1 sundalo patay, 5 sugatan sa pagpapasabog ng landmine ng NPA sa Northern Samar

Kinumpirma ng Philippine Army na isang sundalo ang nasawi habang 5 naman ang sugatan makaraang umatake ang New Peoples Army (NPA) sa Brgy. Osang, Catubig, Northern Samar, kaninang umaga.

Ayon kay Second Lieutenant Joyce Bayron, acting 20IB Spokesperson, ito ay makaraang gumamit ang mga rebelde ng landmine sa tropa ng Community Support Team ng 20th Infantry Battalion.

Agad namang dinala ang mga biktima sa Eastern Visayas Regional Medical Center.


Matatandaan nito lamang Hulyo Ika- 5, apat na landmine ang pinasabog din ng NPA sa Brgy. Magsaysay, Mapanas, Northern Samar na ikinasugat ng 7 sundalo.

Kasunod nito, mariing kinondena ni Lieutenant Colonel Joemar Buban, Commanding Officer ng 20IB ang terrorist attack at sinabing ito ay isang malinaw na paglabag sa Ottawa Convention o Mine Ban Treaty, na nagbabawal sa paggamit, pag-iimbak, pag-gawa, at pag-biyahe ng mga anti-personnel mines.

Facebook Comments