ORIENTAL MINDORO – Naghatid ng pag-asa ang pinakabatang dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa matapos magtagumpay sa pakikipaglaban sa naturang sakit.
Sa isang Facebook post, kinumpirma ni Governor Humerlito Dolor ang paggaling ng isang taon at siyam na buwang gulang na babae, na kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
“Ngayong umaga ay lumabas na ang kanyang 2nd test result mula sa RITM: NEGATIVE na si BABY PATIENT sa COVID-19!. Maraming salamat din kay Dr. Alex De Guzman at sa mga medical personnel na ginamit ng Diyos upang mapagaling si Baby Patient!,” sabi ni Dolor.
Ayon pa sa ospiyal, ngayong araw madi-discharge ang pasyente na nakaratay sa isang pribadong pagamutan sa Calapan City.
“Good morning gov…she is for discharge today..home meds orally given…recommend 14 days home quarantine..then fflup check up after..thanks and God bless,” mensaheng ipinadala ng doktor sa gobernador.
Matatandaang nagpositibo ito sa COVID-19 noong nakaraang linggo, na napag-alamang may travel history sa Alabang, Muntinlupa City.
Samantala, inihayag din ng DOH regional director doon na nag-negatibo ang COVID-19 test result ng mga sumusunod na pasyente:
- 82-anyos, lalaki (Calpan)
- 75-anyos, lalaki (Victoria)
- 62-anyos, lalaki (Roxas)
- 32-anyos, lalaki (Naujan)
- 10-anyos, lalaki (Socorro)
Muling paalala ni Dolor sa publiko, manatili pa rin sa loob ng bahay para maiwasan ang pagkalat ng nakakahawang virus.
Umakyat na sa 3,018 ang bilang ng dinapuan ng COVID-19 sa buong bansa, habang 136 ang pumanaw at 52 naman ang naka-recover.