1-year State of National Calamity, inaasahang magpapabilis ng pagsasaayos at pagbabalik sa normal na pamumuhay ng mga biktima ng kalamidad

Umaasa si Senator Loren Legarda na ang deklarasyon ng isang taong State of National Calamity ay magpapabilis ng pagbangon at pagbabalik sa normal na pamumuhay ng mga kababayang biktima ng kalamidad.

Iginiit ni Legarda na nasa kapangyarihan ng ehekutibo ang pagdedeklara ng State of Calamity at nakapaloob ito sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act kung saan siya ang co-sponsor.

Binigyang-diin ng senadora na maging daan ang 1-year State of National Calamity para sa pagbibigay proteksyon sa buhay sa panahon ng kalamidad, mabilis na paghahatid ng tulong, pagkukumpuni ng mga nasirang imprastraktura, at rehabilitasyon ng mga napinsalang komunidad.

Sinabi pa ni Legarda na ilang dekada na niyang sinasabi na hindi magiging disaster ang natural hazard kung babawasan at tutugunan ang ating kahinaan at kawalang kahandaan tuwing ganitong panahon ng kalamidad.

Tinukoy ng mambabatas na consistent ang Pilipinas na nangunguna sa World Risk Index pero hindi aniya ito dapat maging normal sa atin.

Kinalampag ni Legarda na dapat mapanumbalik ang ating ecosystem at mapalakas ang local resilience para hindi lagi nagreresulta ng mga pagkasawi at pagkasira ng kabuhayan kapag may tumatamang bagyo sa bansa.

Dagdag pa ni Legarda, batid naman kung ano ang mga dapat gawin tulad ng ganap na pagpapatupad ng environmental at climate resillience laws, pag-i-invest sa nature-based solutions tulad ng pagrestore at pagprotekta sa mga kagubatan, mangroves, wetlands, watersheds, mga bundok, at pagpapanatili ng kalinisan ng mga estero at mga ilog.

Facebook Comments