Manila, Philippines – Kinalampag ni Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao si Pangulong Duterte na isaprayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng trabaho sa 10.9 Million na mga walang trabaho sa bansa.
Paalala ni Casilao sa Pangulo, nangako ito noon na lilikha ng maraming trabaho at wawakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa pero mukhang mas lolobo pa ang bilang ngayon ng mga ‘jobless’ na Pinoy sa sariling bansa.
Dagdag pa ng kongresista, hindi lamang unemployment ang dinaranas ng mga Pilipino ngayon kundi minamaliit din ang kanilang kakayahan ng mismong Presidente sa pagpabor na kumuha ng mga Chinese workers sa ilalim ng Build, Build, Build Program.
Giit ng mambabatas, walang trabaho ang hindi kayang gawin ng 390,000 construction workers sa bansa.
Hindi din kailangan ng foreign workers dahil sobra ang labor force ng bansa bukod pa sa 10.9 Million jobless ay mayroon ding 1.2 Million OFWs at 12 Million reserve labor army ang Pilipinas.
Nagbabala ang kongresista sa paglobo pa ng unemployment sa bansa dahil sa pagsasantabi ng gobyerno sa ating sariling workforce.