Mahaharap sa kaukulang kaso ang 10 alkalde mula Luzon at Visayas dahil sa pagiging absent sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, reklamong dereliction of duty, gross negligence ang posibleng kaharapin ng 10 mayors.
Maaari ding nalabag ng mga ito ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular kung saan kinakailangan ang 100% presence ng Local Chief Executive bago, habang at pagkatapos ng isang bagyo, maliban na lamang kung mabibigyan nila ng katwiran ang kanilang absence sa kasagsagan ng Bagyong Rolly.
Sinabi ni Año, dalawang alkalde sa Hilagang Luzon, apat sa MIMAROPA, dalawa sa Bicol Region at dalawa mula sa Visayas.
Tumanggi ang kalihim na pangalanan ang kanilang pangalan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Maglalabas ng show cause orders sa mga alkalde para sila ay mabigyan ng pagkakataong magpaliwanag.